Hindi napigilan ang French cyclist na si Antoine (antwon) Huby ng 7-Eleven Cliqq Roadbike Philippines sa pagdomina sa Stage 12 ng MPTC Tour of Luzon 2026 matapos niyang itala ang oras na 3:17:37 sa 146.4-kilometrong karera mula Eagle of the North sa Agoo, La Union hanggang Daang Kalikasan Mangatarem View Deck.
Tinalo ni Huby sina overall leader Nikita Shulchenko ng LCW UAE Cycle na may pagitan na 1 minuto at 20 segundo, at Erickson delos Santos ng D’Reyna Orion Cement na nasa likod ng 1 minuto at 41 segundo.
Ito ang ikalawang stage win ni Huby sa kompetisyon matapos rin niyang masungkit ang Stage 10 sa Bessang Pass, Cervantes, Ilocos Sur.
Sa huling bahagi ng karera, tuluyang nakawala si Huby matapos ang breakaway na binubuo ng pitong siklista, bago niya solong tinapos ang entablado.
Patuloy namang nangunguna sa Individual General Classification si Shulchenko sa oras na 36:16:21, sinundan ni Huby at iba pang karibal sa pangkalahatang standings.
Samantala, nananatili sa tuktok ng Team General Classification ang 7-Eleven, kasunod ang Go for Gold at Standard Insurance Philippines.






