--Ads--

Isasagawa sa unang araw ng Hunyo ang Election Registration Board (ERB) hearing sa Region 2, kasunod ng pagtatapos ng voter registration para sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Jerbee Cortez, sinabi niya na inaasahang dadaan sa masusing pagsusuri ng ERB ang lahat ng aplikasyon upang tiyakin kung sino ang kwalipikadong maisama sa opisyal na listahan ng mga botante.

Sa kabuuan, umabot sa mahigit 198,000 ang mga nagparehistro, nagpa-renew, at nagpalipat ng voting precinct sa buong Region 2 sa ilalim ng Commission on Elections (COMELEC) registration period. Aabot naman sa halos 15,000 ang mga humabol sa huling araw ng pagpapatala.

Ayon kay Atty. Cortez, naging maayos at mapayapa ang pagtatapos ng voter registration sa rehiyon, at hindi umano ganoon karami ang dagsa ng mga late registrants kumpara sa inaasahan.

--Ads--

Nilinaw din niya na hindi pa itinuturing na pinal ang bilang ng mga rehistradong botante hangga’t hindi natatapos ang validation at verification process ng COMELEC. Sa pamamagitan ng ERB hearing, susuriin, diringgin, at papagdesisyunan kung aaprubahan o ididiskwalipika ang bawat aplikasyon.

Dahil dito, hindi pa awtomatikong botante ang mga nagparehistro hangga’t hindi pa sila opisyal na inaaprubahan ng ERB.