--Ads--

Paiigtingin ng mga awtoridad ang pagpapatrolya tuwing gabi upang mapanatili ang kaayusan at seguridad ng mga mamamayan sa Cauayan City.

Kasunod ito ng nangyaring pambubugbog sa isang bar sa lungsod na ikinasawi ng isang lalaki.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLtCol. Avelino Canceran Jr., sinabi nitong dodoblehin pa ng kapulisan ang pagbabantay, lalo na sa mga tinuturing na strategic areas, upang maiwasan ang posibleng krimen at mapanatili ang kaligtasan ng publiko.

Ayon sa opisyal, kabilang sa kanilang tututukan tuwing gabi ang mga bar at iba pang establisyementong nag-ooperate sa lungsod upang masiguro ang kaayusan at maiwasan ang anumang kaguluhan o insidente.

--Ads--

Babantayan din ng pulisya ang matataong lugar, pangunahing kalsada, at iba pang dinadaluhang lugar ng mga residente, lalo na sa gabi.

Ayon pa sa opisyal, bahagi ito ng pinaigting na seguridad upang agad na matugunan ang anumang insidente at mas mapalakas pa ang presensya ng pulisya sa komunidad.

Pakiusap naman ng opisyal sa publiko na manatiling mapagmatyag at agad makipag-ugnayan sa mga awtoridad sa oras ng emergency.