Isa na namang karangalan para sa industriya ng Pinoy entertainment ang hatid ng beteranong aktor na si Joel Torre.
Kabilang kasi siya sa cast ng international series na “kiDnap GAME,” kasama ang South Korean star na si Lee Joon-gi, na nakilala sa hit K-Dramas na “Moon Lovers: Scarlet Heart Ryeo” at “Flower of Evil.”
Sa serye, gagampanan ni Joel ang karakter na si Miguel, isang mabait na taxi driver mula Maynila na lumaki sa hirap.
Dahil sa matinding pagmamahal sa pamilya at hangaring hindi maranasan ng kanyang mga anak at apo ang kahirapan, mababago ang kanyang buhay nang ma-kidnap ang minamahal niyang apo at mapasama siya sa delikadong laro.
Dito masusubok hindi lang ang tibay ng karakter ni Miguel kundi pati kung hanggang saan niyang kayang isakripisyo para sa pamilya.
Kasama rin sa multinational cast sina Alice Ko mula Taipei, Stanley Yau mula Hong Kong, Carrie Wong mula Singapore, at Plue-Nalponkamon Chaisen mula Bangkok.
Nakatakdang mapanood ang “kiDnap GAME” sa 18 bansa worldwide simula sa Oktubre.





