Personal na bumisita sa Cauayan City ang beteranong aktor na si Joel Torre upang ipakita ang kanyang suporta sa pagpapatupad ng Home-Grown School Feeding Programme, isang inisyatibong naglalayong matugunan ang food insecurity ng mga mag-aaral habang natutulungan din ang mga lokal na magsasaka.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Joel Torre, sinabi nitong katuwang ng United Nations World Food Programme (WFP) ang pagpapatupad ng programa na nakatuon sa mga paaralang nasa lugar na maraming batang nakararanas ng kakulangan sa sapat at masustansiyang pagkain.
Ayon kay Torre, layunin ng programa na mapabuti ang attendance at pagkatuto ng mga estudyante sa pamamagitan ng regular na pagbibigay ng masustansiyang pagkain sa halip na junk food.
Aniya, boluntaryo silang nakipagtulungan sa programa upang makatulong sa pagtugon sa suliranin sa pagkain at mahikayat din ang kanilang mga kostumer at iba pang pribadong sektor na makiisa sa adbokasiya.
Ibinahagi rin ni Torre na tatlong araw silang naglibot sa Isabela upang personal na makita ang kabuuang sistema ng programa. Aniya, una nilang binisita ang mga magsasaka, pagkatapos ay sinuri ang proseso kung saan binibili ng kooperatiba ang kanilang mga ani bago ito ihatid sa mga paaralan sa tulong ng lokal na pamahalaan.
Sa Cauayan North Central School, sinabi ni Torre na umaabot sa humigit-kumulang 1,600 mag-aaral ang nabibigyan ng masustansiyang pagkain araw-araw sa ilalim ng programa, na aniya’y patunay ng malaking ambag ng Home-Grown School Feeding Programme sa kalusugan at edukasyon ng mga bata.
Hinikayat ng aktor ang publiko at pribadong sektor na makiisa at magbigay ng suporta sa mga programang tumutulong sa mga batang nangangailangan at sa kabuhayan ng mga lokal na magsasaka.











