--Ads--

Isinagawa sa Santiago City ang Family Disaster Preparedness Program na layong palakasin ang kahandaan ng bawat pamilya at komunidad laban sa iba’t ibang uri ng kalamidad at sakuna.

‎Dinaluhan ang aktibidad ng mga Values Information Officers (VIOs) o mga pastor mula sa iba’t ibang barangay at religious organizations sa lungsod.

Layunin nitong mabigyan sila ng sapat na kaalaman at tamang impormasyon hinggil sa disaster preparedness upang magsilbi silang katuwang ng pamahalaan sa pagpapalaganap ng kamalayan at kahandaan sa kanilang mga komunidad at simbahan.

‎Pinangunahan ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) ang aktibidad kung saan tinalakay ang kahalagahan ng maagap na paghahanda bago dumating ang sakuna, kabilang ang tamang pagbuo ng family emergency plan, paghahanda ng emergency go bag, at wastong pagtugon sa panahon ng lindol, bagyo, sunog, at pagbaha.

‎Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Ginoong Julius Agustin, Local Disaster Risk Reduction and Management Officer (LDRRMO) ng Santiago City, na mahalagang mabigyan ng sapat na pagsasanay at impormasyon ang mga lider ng komunidad at simbahan dahil sila ang nagsisilbing gabay ng mamamayan lalo na sa panahon ng kalamidad at emergency situations.

‎Ayon pa kay Ginoong Agustin, sa pamamagitan ng aktibong partisipasyon ng mga Values Information Officers at pastor ay mas mapapalawak ang pagpapalaganap ng kaalaman ukol sa disaster preparedness hanggang sa antas ng bawat pamilya at barangay.

‎Binigyang-diin din sa programa ang kahalagahan ng pagkakaisa, disiplina, at kooperasyon upang mabawasan ang panganib at pinsalang dulot ng mga sakuna.