--Ads--

Tinanggal ng Senado ang ₱97.5 billion na halaga ng mga infrastructure projects na hindi nakasunod sa requirements mula sa proposed 2027 budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Ayon kay Senate Finance Committee Chairperson Senator JV Ejercito, pinakamalaking bahagi ng tinanggal na pondo ay nagkakahalaga ng ₱87 billion at binubuo ng mga proyektong isinama sa House-approved General Appropriations Bill (GAB), kabilang ang mga budget insertion at multipurpose buildings.

Tinanggal din ang 295 projects na nagkakahalaga ng ₱8.8 billion mula sa National Expenditure Program (NEP), gayundin ang 36 DPWH building projects na may kabuuang pondong ₱1.7 billion.

Sinabi ni Ejercito na resulta ito ng masusing pagsusuri ng Senado sa proposed budget upang matiyak ang transparency at accountability sa pagpapatupad ng mga government infrastructure projects.

--Ads--

Sa ilalim ng mas mahigpit na guidelines, kailangang kumpleto ang limang pangunahing requirements ng bawat proyekto, kabilang ang geotagging, endorsement mula sa Regional Development Council, Certificate of Implementability at Program of Works.

Binigyang-diin ng senador na hindi isasama sa proposed budget ang mga proyektong hindi makatutugon sa mga itinakdang requirements.

Matatandaang iniulat din ni Ejercito noong Oktubre na humigit-kumulang ₱266 billion worth ng DPWH infrastructure projects ang isinailalim sa karagdagang review dahil sa kakulangan ng supporting documents.

Samantala, inirekomenda rin ng Senate Finance Committee ang pagbabalik ng pondo para sa ilang major infrastructure projects na may foreign assistance, kabilang ang Metro Manila Subway, North-South Commuter Railway, Cavite-Bataan Interlink Bridge at Laguna Lakeshore Highway.

Inihain ni Ejercito ang committee report noong Biyernes, Nobyembre 20, bilang paghahanda sa plenary deliberations ng Senado sa proposed 2027 national budget na nakatakdang magsimula sa Nobyembre 23.