--Ads--

Umabot na sa 16 katao ang nasawi habang 58 ang sugatan sa panibagong serye ng pag-atake ng Israel sa southern Lebanon, ayon sa Lebanese health authorities, kasabay ng mas pinaigting na opensiba at malawakang evacuation orders sa rehiyon.

Ayon sa Lebanon’s National News Agency, anim sa mga nasawi ay kabilang sa iisang pamilya matapos tamaan ng Israeli drone strike habang tumatakas sa Adloun Highway na nag-uugnay sa Sidon at Tyre.

Ilan pang insidente ng pambobomba ang naitala sa Tyre at karatig-lugar, kung saan tinatarget umano ng Israel ang mga “Hezbollah infrastructure,” ngunit apektado rin ang mga residential area at imprastraktura, ayon sa mga ulat.

Nauna ring iniulat na isang sundalo ng Lebanese army ang nasawi sa hiwalay na strike sa Nabatieh, habang patuloy ang ulat ng mga namamatay na militar sa mga nakalipas na araw sa southern Lebanon at Beqaa Valley.

--Ads--

Sa gitna ng tumitinding tensyon, nagpalabas ang Israel ng malawakang evacuation order sa southern Lebanon, kabilang ang Tyre, kung saan pinapaalis ang mga residente patungo sa hilaga ng Zahrani River dahil sa patuloy na operasyon ng militar.