--Ads--

Hinimok ng Estados Unidos ang Israel na paigtingin ang pagpigil sa mga pag-atake ng mga Israeli settler laban sa mga Palestinian sa sinasakop na West Bank, kasunod ng pananakit sa isang American photojournalist at iba pang indibidwal.

Ayon kay US Secretary of State Marco Rubio nitong Sabado, nababahala ang Washington sa mga kumakalat na video ng insidente at patuloy nilang hinihiling sa Israel na kumilos laban sa mga responsable sa karahasan.

Kabilang sa mga nasaktan sa pag-atake noong Biyernes si Heidi Levine, isang American photojournalist ng The Washington Post. Nangyari ang insidente habang inaatake rin ng mga Israeli settler ang mga Palestinian na sibilyan.

Ayon naman sa foreign minister ng Belgium, inatake rin ang ilang European diplomat at isang French mayor sa West Bank.

--Ads--

Sinabi ni Rubio na humingi na ng impormasyon ang US State Department tungkol sa insidente at inaasahang makatatanggap sila ng ulat mula sa US Embassy sa Jerusalem.

Batay sa tala ng Yesh Din, isang grupong nagmomonitor sa mga pag-atake ng mga Israeli settler, nakapagtala na ng hindi bababa sa 170 pag-atake laban sa mga Palestinian mula Setyembre 27, kasabay ng pagsisimula ng taunang panahon ng pag-aani ng olibo.