--Ads--

Inanunsyo ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na opisyal nang nagsimula ang Southwest Monsoon o Habagat season. Ayon sa ahensya, ito ay isa sa mga palatandaan ng papalapit na tag-ulan sa bansa.

Batay sa pagsusuri ng PAGASA, nakita sa mga nakalipas na araw ng presensya ng hanging habagat sa kanlurang bahagi ng Pilipinas, na patuloy na pinalalakas ng pag-iral ng isang tropical cyclone sa Philippine Sea.

Ayon pa sa PAGASA, ang pagpasok ng westerly winds at ang pagbabago ng kondisyon ng panahon sa bansa ay malinaw na indikasyon ng pagsisimula ng Habagat, na isa ring pangunahing senyales ng nalalapit na tag-ulan.

Dahil dito, inaasahan ang pag-ulan mula sa paminsan-minsan hanggang sa madalas na pag-ulan at thunderstorms, partikular sa kanlurang bahagi ng bansa. Maaari rin umanong tuluyang magsimula ang tag-ulan sa mga susunod na araw.

--Ads--

Nagbabala rin ang PAGASA na posibleng makaranas ng tinatawag na “monsoon breaks” o pansamantalang paghina ng ulan na maaaring tumagal ng ilang araw o linggo.

Hinihikayat ng ahensya ang publiko at mga kinauukulang ahensya na maging handa at mag-ingat sa posibleng epekto ng Habagat at iba pang uri ng lagay ng panahon.