--Ads--

Mariing iginiit ng Integrated Bar of the Philippines (IBP) na legal at valid ang isinagawang sesyon ng Senado noong Hunyo 3, kasunod ng mga kumukuwestiyon sa validity nito sa pagkakaroon ng quorum.

Sa isang pahayag, sinabi ng IBP na nakabatay ang kanilang posisyon sa desisyon ng Korte Suprema sa kasong Avelino v. Cuenco noong 1949.


Ayon sa organisasyon, ang lahat ng aksyon, resolusyon, at desisyong ginawa sa sesyon—kabilang ang pagkakahalal kay Sen. Sherwin Gatchalian bilang Senate President Pro Tempore at ang pagtatalaga ng mga bagong pinuno ng komite ay itinuturing na opisyal at may bisa.

Paliwanag pa ng IBP na sapat ang presensya ng 12 senador upang magkaroon ng quorum dahil may dalawang senador na hindi maituturing na available para gampanan ang kanilang tungkulin sa Senado.

--Ads--

Kabilang dito si Sen. Jinggoy Estrada, na kasalukuyang nakakulong kaugnay ng kasong plunder, at si Sen. Ronald ‘Bato’ Dela Rosa, na umano’y hindi pa matukoy kung nasaan.


Dahil dito, 22 lamang ang itinuturing na available na miyembro ng Senado, at ang presensya ng 12 senador ay sapat na upang makabuo ng quorum.

Nag-ugat ang usapin matapos muling hindi dumalo sa plenary session ang Majority bloc na pinamumunuan ni Senate President Alan Peter Cayetano. Gayunpaman, dumalo si Sen. Francis ”Chiz” Escudero at sumama sa 11 miyembro ng minorya, dahilan upang makumpleto ang kinakailangang bilang para sa quorum.

Sa hiwalay na pahayag, sinabi ng kampo ni Gatchalian na ang quorum ay dapat ibatay sa bilang ng mga senador na may kakayahang gampanan ang kanilang mga tungkulin.

Aniya, naaayon ito sa naging interpretasyon ng Korte Suprema na ang 12 miyembro mula sa kabuuang 23 senador ay maaaring bumuo ng constitutional majority para sa quorum ng Senado.