--Ads--

Nasawi ang isang lalaki matapos bumangga ang minamaneho nitong motorsiklo sa isang nakahintong trailer truck sa kahabaan ng national highway sa Barangay Mambabangan, Luna, Isabela, gabi nitong Hunyo 5.

Ang biktima ay isang 32-anyos na lalaki, may asawa at isang warehouse checker na residente ng Mambabanga, Luna, Isabela.

Ayon kay PMaj. Jonathan Ramos, hepe ng Luna Police Station, bandang alas-8:15 ng gabi nang mangyari ang insidente. Agad namang rumesponde ang mga awtoridad matapos makatanggap ng ulat mula sa isang concerned citizen.

Batay sa paunang imbestigasyon, binabagtas ng biktima ang national highway mula Cauayan City patungong Luna nang bumangga ito sa likurang bahagi ng isang trailer truck na nakaparada sa gilid ng kalsada.

--Ads--

Ang truck ay minamaneho ni alyas “Prince,” 36-anyos, residente ng Bulacan. Lumalabas sa imbestigasyon na nakahinto ang truck sa shoulder ng kalsada habang ang driver ay kumakain nang mangyari ang aksidente.

Ayon din sa pulisya, wala umanong nakalagay na early warning device (EWD) sa likod ng nakaparadang truck.

Sa ulat ng rescue team, dead on the spot ang rider dahil sa matinding pinsalang tinamo habang wala namang tinamong sugat ang driver ng truck.

Patuloy ang imbestigasyon ng Luna Police Station upang matukoy ang kabuuang pangyayari at posibleng pananagutan kaugnay ng aksidente.