--Ads--

Halos lahat ng pampublikong paaralan sa ilalim ng Schools Division Office (SDO) Cauayan City ay sumailalim na sa electrical inspection at pagpapalit ng mga lumang kable bilang bahagi ng pinaigting na hakbang upang maiwasan ang mga insidente ng sunog sa mga paaralan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Joel de Leon, Project Development Officer II at DRRM Officer ng SDO Cauayan City, sinabi nitong taun-taon nilang ipinatutupad ang fire prevention measures sa lahat ng pampublikong paaralan sa lungsod.

Ayon kay De Leon, tuwing buwan ng Marso ay inaatasan ang mga paaralan na ipasuri ang kanilang electrical wiring sa mga lisensyadong electrician at magsumite ng electrical inspection certificate upang matiyak na ligtas gamitin ang mga pasilidad.

Sinabi niya na sa kanilang mga isinagawang monitoring at inspeksyon, halos lahat ng lumang gusali sa mga pampublikong paaralan ay napalitan na ng mga bagong kable habang nananatiling maayos ang kondisyon ng mga wiring sa mga bagong tayong gusali.

--Ads--

Patuloy naman ang buwanang pagbisita ng kanilang tanggapan sa mga paaralan upang agad na matukoy at matugunan ang anumang problema sa electrical system na maaaring magdulot ng panganib sa mga mag-aaral at guro.

Ipinaliwanag ni De Leon na ilan sa mga palatandaan ng sirang electrical wiring ay ang paninilaw, pamamaga o pagluwa ng mga kable na maaaring magresulta sa short circuit at posibleng pagmulan ng sunog.

Nabatid din na may ilang insidenteng naiuulat sa kanilang tanggapan na may kaugnayan sa paggamit ng mga kagamitang elektrikal sa loob ng paaralan, kabilang ang isang kaso kung saan naiwan umanong nakaandar ang isang ceiling fan na naging sanhi ng maliit na sunog sa isang silid-aralan.

Dahil dito, pinaalalahanan ng SDO Cauayan City ang mga guro at school heads na tiyaking nasusunod ang mga safety protocol at regular na nasusuri ang mga electrical facilities sa kanilang mga paaralan.

Bukod sa electrical safety, hinihikayat din ng tanggapan ang mga paaralan na kumpletuhin ang mga kinakailangang emergency equipment gaya ng fire extinguishers, first aid kits, hard hats, spine boards at stretchers upang maging handa sa anumang uri ng sakuna.