Masayang-masaya ngayon ang Schools Division Office (SDO) Cauayan City sa nagpapatuloy na Palarong Pambansa 2026 na ginaganap sa Agusan del Sur, matapos makapag-uwi ng ilang gintong medalya ang kanilang mga atletang kalahok.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Norman Tolentino, Sports Coordinator ng SDO Cauayan, sinabi niya na isa sa mga pinakabagong nagkamit ng gintong medalya ay si Georgina Zia Uy sa Elementary Girls Individual Poomsae sa taekwondo.
Ayon sa kanya, hindi ito ang unang beses na sumabak sa Palarong Pambansa si Georgina. Noong 2024 edition, nakapag-uwi na rin siya ng silver medal sa taekwondo, at muling nagkamit ng silver medal sa Group Poomsae noong 2025, bago tuluyang nasungkit ang gintong medalya ngayong taon.
Dagdag ni Ginoong Tolentino, isa ang taekwondo sa mga pinakaabangang sports ng delegasyon ng Cauayan dahil dito kadalasang nagmumula ang kanilang mga medalya sa Palarong Pambansa.
Aniya, malaki ang naitutulong ng tuloy-tuloy na pagsasanay ng mga atleta sa ilalim ng Philippine Taekwondo Association, kung saan patuloy na nahuhubog ang kanilang kakayahan, disiplina, at kumpiyansa sa kompetisyon.
Sa pamamagitan din ng maayos na sistema ng training at selection process, mas natutukoy at naipapadala ang mga karapat-dapat na atleta na isasabak sa palaro, kaya’t mataas ang kumpiyansa ng delegasyon sa kanilang mga kalahok sa kasalukuyang kompetisyon.
Masaya rin niyang ibinahagi na ilan sa mga gintong medalya sa demo sports tulad ng soft tennis ay nagmula rin sa delegasyon ng Cauayan City, na patunay ng kanilang lumalawak na husay sa iba’t ibang larangan ng sports.
Sa ngayon, kabilang sa mga inaabangan ng SDO Cauayan ang mga susunod na laban sa quarterfinals ng tennis, volleyball, wrestling, swimming, basketball, at archery, kung saan umaasa silang madadagdagan pa ang kanilang medal tally sa mga darating na araw ng kompetisyon.











