Naglabas ng opisyal na pahayag ang Embassy of the Federal Republic of Nigeria sa Maynila kaugnay ng pagkamatay ng Ateneo de Manila University basketball player at Nigerian student-athlete na si Divine Adili, kasama ang isa pang nasawi na si Rene Baterbonia mula Agusan.
Ayon sa embahada, aktibo silang nakikipag-ugnayan sa pamilya ng mga nasawi, sa pamunuan ng Ateneo, sa mga law enforcement agencies, at iba pang kaukulang awtoridad upang matiyak ang maayos na imbestigasyon at proseso.
Hiling ng pamilya ni Adili na isagawa muna ang autopsy bago ang planong pagpapauwi ng kanyang labi sa Nigeria. Samantala, tiniyak ng embahada na patuloy ang pagbibigay nila ng suporta sa pamilya at pagtutok sa lahat ng kinakailangang proseso.
Nanawagan din ang embahada sa Nigerian community sa Pilipinas na manatiling kalmado at umiwas sa pagkalat ng haka-haka at hindi beripikadong impormasyon sa social media.
Sa ngayon, patuloy ang imbestigasyon habang layunin ng embahada na mapanatili ang kaayusan at respeto sa mga naulilang pamilya.





