--Ads--

Nagtala ng bagong Guinness World Record ang lungsod ng Palm Springs sa California matapos magtipon ang 1,037 katao na nakabihis bilang Hollywood icon na si Marilyn Monroe bilang bahagi ng pagdiriwang ng kanyang ika-100 kaarawan.

Isinagawa ang pagtitipon noong Mayo 30 sa Downtown Palm Springs, kung saan nagsuot ang mga kalahok ng ikonikong puting damit na isinuot ni Monroe sa pelikulang The Seven Year Itch noong 1955.

Nalampasan ng naturang pagtitipon ang dating rekord na 254 katao na nakabihis bilang Marilyn Monroe na itinakda ng Marilyn Jetty Swim Team sa Australia noong 2020.

Ang “Marilyn 100” event ay nagsilbi ring fundraising activity para sa Palm Springs Pride upang mapanatiling libre para sa publiko ang taunang Pride Festival ng lungsod.

--Ads--

Ayon kay Ron deHarte, pangulo ng Palm Springs Pride, naging makasaysayan at hindi malilimutang karanasan ang nasabing okasyon para sa mga residente at mga bumisita sa lungsod.

Aniya, si Marilyn Monroe ay hindi lamang simbolo ng Hollywood glamour kundi isa ring matapang na tagasuporta ng pagiging totoo sa sarili at ng mga komunidad na nakararanas ng diskriminasyon noong panahong mahalaga ang kanilang representasyon.