--Ads--

Bagamat malayo pa ang buwan ng Nobyembre, maagang naglatag ng paalala ang PAGASA ukol sa banta ng El Niño sa bansa. Pagtaya ng ahensya, nasa 47 lugar ang may posibilidad na makaranas ng dry condition o bahagyang pagkatuyo ng lupa dahil sa unti-unting pagbaba ng antas ng ulan sa tropical Pacific.

Malaking bahagi ng Luzon, tulad ng Metro Manila, Pangasinan, at mga karatig-lalawigan sa Central Luzon at Calabarzon, ang makakaranas ng hanggang 60% na bawas sa buhos ng ulan sa loob ng dalawang buwan.

Mas matinding dry spell naman ang nagbabanta sa Camarines Sur na makararanas ng mas mahabang panahon ng kakulangan sa tubig.

Sa kabutihang palad, ligtas pa ang bansa sa pinakamalalang yugto ng tagtuyot o drought sa ngayon. Ang mga kalkulasyong ito ay hango sa mga pag-ulan mula noong nakaraang Disyembre 2025 hanggang nitong Mayo 2026.

--Ads--

Gayunman, patuloy na babantayan ng PAGASA ang galaw ng panahon at magbibigay ng bagong ulat sa kanilang climate forum sa Hunyo 24.