Mararanasan ng mga bansa sa Northern Hemisphere ang pinakamahabang araw ng taon ngayong Hunyo 21, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Ayon sa ahensya, kasabay nito ang opisyal na pagsisimula ng tag-araw sa Northern Hemisphere at taglamig naman sa Southern Hemisphere.
Ipinaliwanag ng PAGASA na nagaganap ito kapag naaabot ng araw ang pinakamalayong posisyon nito sa hilagang bahagi ng kalangitan. Dahil dito, mas mahaba ang oras ng liwanag at mas maikli ang gabi sa mga bansang nasa Northern Hemisphere tuwing Hunyo 21.
Samantala, magiging aktibo ang June Bootid meteor shower mula Hunyo 22 hanggang Hulyo 2. Inaasahang mararating nito ang pinakamataas na antas ng aktibidad o peak sa Hunyo 27, kung kailan maaaring mas maraming meteor ang makita sa kalangitan sa ilalim ng maaliwalas na panahon.











