Naghain ang Akbayan Party-list ng panukalang batas na layong gawing mas mabilis at mas simple ang proseso ng pagwawasto ng pangalan at gender marker sa mga legal na dokumento ng mga Pilipino.
Sa ilalim ng House Bill 9929 o “Lived Identities and Recognition Act”, na kilala rin bilang “Sharmaine Bill,” layunin nitong kilalanin ang identidad ng mga transgender, intersex, at non-binary Filipinos sa pamamagitan ng mas magaan na proseso na hindi na kailangang dumaan sa mahabang at magastos na pagdinig sa korte sa ilang pagkakataon.
Ayon kay Akbayan Rep. Perci Cendaña, maraming miyembro ng LGBTQ+ community ang patuloy na nakararanas ng diskriminasyon dahil sa hindi pagtutugma ng kanilang legal na dokumento sa kanilang kinikilalang gender identity.
Bukod sa mga transgender, intersex, at non-binary individuals, saklaw din ng panukala ang mga survivor ng gender-based violence at child abuse na nais magpalit ng pangalan para sa kanilang kaligtasan at kapakanan.
Inihain ang panukala ng Akbayan Party-list bilang bahagi ng paggunita sa Pride Month at kampanya para sa mas inklusibong batas sa bansa.






