Mahigit 290,000 native trees ang target na maitanim sa buong Cagayan Valley bilang bahagi ng pagdiriwang ng Arbor Day at patuloy na kampanya ng pamahalaan para sa pangangalaga ng kalikasan at pagtugon sa epekto ng climate change.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Enrique Q. Pasion, Assistant Regional Executive Director for Management Services ng DENR Region 2, na ang pagdiriwang ng Arbor Day ay hindi lamang pagtupad sa itinakdang batas kundi bahagi rin ng mas malawak na layunin na mapalawak ang kamalayan ng publiko sa kahalagahan ng pagtatanim at pangangalaga ng mga puno.
Ayon kay ARD Pasion, nakabatay ang pagdiriwang sa Proclamation No. 643 at sa Republic Act No. 10176 na nag-uutos sa bawat Pilipino na magtanim ng hindi bababa sa isang puno kada taon bilang ambag sa pangangalaga ng kapaligiran.
Aniya, inatasan ang 93 lungsod at bayan sa rehiyon na magtanim ng tig-3,111 native trees sa kani-kanilang nasasakupan, dahilan upang umabot sa halos 290,000 punongkahoy ang kabuuang target na maitanim ngayong taon.
Binigyang-diin ng opisyal na mga katutubong puno o native trees ang kanilang prayoridad dahil mas matibay ang mga ito sa kondisyon ng klima sa bansa at mahalagang bahagi ng pagpapanumbalik ng mga nawawalang ecosystem.
Paliwanag niya, malaking porsyento ng mga puno at halaman sa Pilipinas ay endemic o dito lamang matatagpuan kaya mahalagang mapanatili at maparami ang mga ito bilang bahagi ng climate resilience at biodiversity conservation efforts ng pamahalaan.
Kabilang sa mga isinusulong na itanim ng DENR ang mga punong may malaking ambag sa kapaligiran tulad ng banaba at iba pang katutubong species na hindi lamang nagbibigay-lilim kundi nakatutulong din sa pagpapanatili ng balanse ng kalikasan.
Kasabay nito, nagpatupad din ang DENR Region 2 ng mas mahigpit na monitoring system upang matiyak na mabubuhay ang mga itinatanim na puno.
Ayon kay ARD Passion, bawat punong itatanim ay may nakatalagang tagapag-alaga o “tree sponsor” na mananagot sa pangangalaga nito at magiging bahagi pa ng kanilang performance evaluation bilang kawani ng ahensya.
Sinabi pa niya na hindi dapat natatapos sa simpleng pagtatanim ang pagdiriwang ng Arbor Day dahil higit na mahalaga ang pagpapanatili at pag-aalaga sa mga punong itinanim upang matiyak na magbibigay ito ng pangmatagalang benepisyo sa susunod na henerasyon.
Dagdag pa ng opisyal, mahalagang mapalitan agad ang bawat punong napuputol o namamatay upang mapanatili ang balanse ng kalikasan at matiyak ang patuloy na pagkakaroon ng luntiang kapaligiran para sa mga susunod na taon.
Ang tema ng pagdiriwang ng Arbor Day ngayong taon ay “Luntiang Bukas”, na nagbibigay-diin sa mahalagang papel ng mga puno bilang pinagmumulan ng buhay, proteksyon laban sa epekto ng climate change at susi sa mas ligtas at mas maayos na kinabukasan.











