Maagang sinimulan ng Schools Division Office (SDO) ng Cauayan City ang paghahanda sa nasa 590 atleta sa pamamagitan ng school-based training bilang preparasyon sa Cagayan Valley Regional Athletic Association (CAVRAA) Meet 2027.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Norman Tolentino, Education Program Supervisor at Division Sports Officer ng SDO Cauayan, sinabi nitong nasa 80 coach ang nakatalaga upang gumabay sa mga atleta at tulungan silang mapahusay ang kanilang kakayahan at performance.
Isinasagawa ang pagsasanay pagkatapos ng regular na klase upang maipagpatuloy ng mga atleta ang kanilang pag-aaral habang naghahanda sa kompetisyon.
Bahagi ito ng maagang pagpili at paglinang sa mga posibleng mapabilang sa opisyal na delegasyon ng lungsod, kung saan patuloy na minomonitor ng mga coach ang kanilang performance.
Matatandaang isinagawa ang Cauayan City Athletic Association Meet noong Setyembre 20 hanggang 26 bilang bahagi ng pagpili sa mga atletang posibleng umangat sa regional competition.
Samantala, pormal nang tinanggap ng lalawigan ng Cagayan ang hosting ng CAVRAA Meet 2027, na posibleng ganapin sa huling linggo ng Marso, bagama’t wala pang kumpirmadong petsa.
Ginanap naman sa Santiago City ang nakaraang CAVRAA Meet 2026 noong Abril 12 hanggang 16.











