Posibleng tumaas ang singil sa kuryente sa oras na maranasan ng bansa ang matinding epekto ng El Niño dahil inaasahang bababa ang produksyon ng mga hydropower plant bunsod ng kakulangan sa tubig. Dahil dito, mas aasa ang power sector sa mas mahal na pinagkukunan ng kuryente tulad ng coal at diesel plants.
Ayon kay Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) Vice President for Trade and Industry Bryan Ang, hindi lamang suplay at presyo ng kuryente ang maaapektuhan ng matinding tagtuyot, kundi maging ang produksyon ng mga pangunahing pagkain gaya ng bigas at mais.
Aniya, humigit-kumulang 30 porsiyento ng suplay ng kuryente sa Mindanao ay nagmumula sa hydropower plants, habang nasa 10 hanggang 12 porsiyento naman sa Luzon.
Babala rin ni Ang, maaaring tumaas ang inflation dahil sa epekto ng El Niño sa sektor ng agrikultura, lalo na kung mababawasan ang tubig para sa irigasyon ng mga palayan. Posible rin aniyang maapektuhan ang operasyon ng mga pabrika.
“The cost of electricity is one of the reasons we are not competitive in the ASEAN,” pahayag ni Ang sa panayam ng Bilyonaryo News Channel.
Ipinaliwanag niya na malaki ang magiging epekto ng kakulangan sa tubig sa agrikultura dahil nakasalalay ang maraming sakahan sa sapat na suplay ng irigasyon.
Bukod dito, maaari ring maantala ang operasyon ng manufacturing sector, partikular ang mga kumpanyang may kailangang habuling production deadlines at mga order.
Kapag bumaba ang power generation mula sa hydropower plants dahil sa El Niño, sinabi ni Ang na mapipilitang umasa ang bansa sa fossil fuel plants na may mas mataas na halaga ng produksyon ng kuryente.











