--Ads--

Nais ni Senate President Win Gatchalian na magkaroon ng hiwalay na batas laban sa nihilistic violent extremism o NVE upang mapigilan ang lumalalang kaso ng online recruitment at pag-uudyok sa mga kabataan na sangkot sa karahasan.

Ayon kay Gatchalian, ginagamit umano ng mga nasa likod ng NVE ang social media at ilang gaming applications upang makuha ang tiwala ng mga menor de edad, i-groom ang mga ito, at kalaunan ay hikayatin na gumawa ng mararahas na krimen.

Sinabi ng Senate President na may agarang pangangailangan na makabuo ng partikular na batas laban sa NVE, online grooming, at brainwashing na nagtutulak sa mga kabataan na gumawa ng karahasan.

Dagdag niya, nakikipagtulungan sila sa Department of Justice at sa Senate Committee on Women upang makapagbalangkas ng panukalang batas bago pa lumala ang problema.

--Ads--

Binanggit ni Gatchalian ang nabigong planong pag-atake sa isang paaralan sa Laguna na kinasangkutan ng pitong menor de edad na iniuugnay sa online game na Roblox. Inihalimbawa rin niya ang insidente ng pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban kung saan isa sa mga suspek ay sinasabing naimpluwensiyahan ng violent sandbox game na GoreBox.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality, inamin naman ni Justice Undersecretary Nicholas Ty na hindi sapat ang umiiral na mga batas upang matugunan ang online recruitment ng mga kabataan sa marahas na ekstremismo.

Umaasa si Gatchalian na agad maisusulong ang panukalang batas upang mapigilan ang paglaganap ng online radicalization at maprotektahan ang mga kabataan laban sa karahasan.