--Ads--

Bahagyang humina ang Bagyong Inday habang patuloy itong bumabagal sa pagkilos sa karagatan sa silangan ng Northern Luzon, ayon sa pinakahuling ulat ng PAGASA alas-10:00 ng gabi.

Namataan ang sentro ng bagyo sa layong 740 kilometro silangan ng Calayan, Cagayan taglay ang lakas ng hanging aabot sa 155 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong umaabot sa 190 kilometro kada oras. Kumikilos ito pahilagang-kanluran sa bilis na 10 kilometro kada oras.

Nakataas pa rin ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 2 sa Batanes, silangang bahagi ng Babuyan Islands kabilang ang Babuyan, Didicas at Camiguin Islands, gayundin sa bayan ng Santa Ana sa Cagayan. Inaasahan dito ang gale-force winds na may bilis na 62 hanggang 88 kilometro kada oras na maaaring magdulot ng minor hanggang moderate na pinsala sa buhay at ari-arian.

Samantala, nasa ilalim naman ng Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 ang nalalabing bahagi ng Cagayan at Babuyan Islands, buong Isabela, hilagang-silangang bahagi ng Quirino, Apayao, Kalinga, ilang bahagi ng Abra, Mountain Province at Ifugao, gayundin ang Ilocos Norte, hilagang Aurora at hilaga at gitnang bahagi ng Catanduanes.

--Ads--

Nagbabala ang PAGASA na bagamat bahagyang humina ang bagyo, nananatili itong malakas at may lawak ng hangin na umaabot hanggang 860 kilometro mula sa sentro kaya pinapayuhan ang mga residente sa mga apektadong lugar na manatiling alerto sa mga susunod na abiso ng ahensya.

Samantala, maaari pa ring makaranas ng malalakas na pag-ulan at mapaminsalang hangin maging ang mga lugar na nasa labas ng inaasahang landfall point at forecast confidence cone ng Bagyong Inday.

Ayon sa ahensya, inaasahang kikilos ang bagyo pahilagang-kanluran habang nananatili sa Philippine Sea at maaaring pinakamalapit ito sa Extreme Northern Luzon mula Biyernes ng gabi hanggang Sabado ng umaga.

Pagkatapos nito, tatahak ang bagyo patungo sa katimugang bahagi ng Japan at maaaring mag-landfall o dumaan malapit sa hilagang baybayin ng Taiwan. Posible rin itong lumabas ng Philippine Area of Responsibility (PAR) pagsapit ng Sabado ng umaga o hapon.

Inaasahan namang magla-landfall ang bagyo sa silangang baybayin ng mainland China pagsapit ng Sabado ng gabi hanggang madaling araw ng Linggo.

Ayon pa sa PAGASA, mananatiling isang typhoon ang Inday habang nasa loob ng PAR. Gayunman, inaasahang hihina ito at magiging severe tropical storm matapos makapasok sa kalupaan ng mainland China.

Patuloy na pinapayuhan ng ahensya ang publiko, lalo na ang mga nasa Northern Luzon at mga lugar na nasa ilalim ng Tropical Cyclone Wind Signals, na maging alerto at sumubaybay sa mga susunod na weather bulletin at babala ng PAGASA.