Nasungkit ng aktor na si Paulo Avelino ang Outstanding Asian Star award sa Seoul International Drama Awards matapos manguna sa botohan na suportado ng kanyang mga fans.
Nagtala si Avelino ng 43.63% ng kabuuang boto upang maiuwi ang prestihiyosong pagkilala. Nakamit niya ang tagumpay sa pamamagitan ng kanyang pagganap sa seryeng The Alibi.
Pumangalawa naman sa botohan ang aktres na si Kim Chiu na nakakuha ng 31.06% ng mga boto, habang pumangatlo si Anne Curtis na may 23.72%. Nasa ikalimang puwesto naman si Fyang Smith na nagtala ng 0.80%.
Malaki ang naging papel ng mga fans ng tambalang KimPau sa kampanya upang suportahan si Avelino sa botohan hanggang sa makamit nito ang naturang parangal.
Kasunod ng kanyang tagumpay, agad na nagpasalamat ang aktor sa mga tagasuporta na walang sawang bumoto para sa kanya.
Ayon kay Avelino, labis niyang pinahahalagahan ang oras at pagsisikap ng kanyang mga fans at nagpapasalamat siya sa matatag na suportang ibinibigay ng mga ito sa kanyang karera.
Samantala, nagpahayag din ng pasasalamat si Anne Curtis sa mga sumuporta sa kanya sa botohan. Hinikayat din niya ang kanyang mga tagahanga na iwasan ang anumang negativity at pairalin na lamang ang positive energy.





