--Ads--

Naghahanap na ng posibleng makakalaban ang kampo ni boxing legend Manny Pacquiao para sa isa pang laban bago matapos ang taon habang hinihintay ang inaabangang rematch nito kay Floyd Mayweather Jr. na target idaos sa Enero 2027.

Ayon kay MP Promotions CEO Jas Mathur, kasalukuyan silang nakikipag-usap para sa ilang posibleng laban ni Pacquiao, kabilang ang isang exhibition match na planong idaos sa huling bahagi ng taon. Hindi rin umano isinasantabi ang posibilidad ng isang regular na professional fight.

Gayunman, nilinaw ni Mathur na wala pang napipinal na kalaban at patuloy pa ang kanilang pakikipagnegosasyon sa ilang kampo ng mga boksingero.

Kabilang sa mga pangalang inuugnay kay Pacquiao sina WBA welterweight champion Rolando “Rolly” Romero at WBC welterweight champion Ryan Garcia.

--Ads--

Samantala, hindi na matutuloy ang rematch nina Pacquiao at Mayweather na una sanang nakatakda sa Setyembre 19 sa Las Vegas, Nevada. Sa halip, pinaplantsa na umano ang pagdaraos nito sa Enero ng susunod na taon.