THE HAGUE, Netherlands – Nakatakdang simulan sa Nobyembre 30, 2026 ang trial laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC), kaugnay ng mga kasong crimes against humanity na nag-ugat sa kaniyang kampanya kontra ilegal na droga.
Nahaharap si Duterte sa tatlong counts of crimes against humanity na may kaugnayan sa mga umano’y pagpatay sa Davao City noong alkalde pa siya at sa iba’t ibang anti-drug operations noong panahon ng kaniyang pagkapangulo.
Bago umabot sa trial, dumaan muna sa ilang taon ng investigation at legal proceedings ang kaso, kabilang ang mga pagtutol ng kampo ni Duterte sa jurisdiction ng ICC at ang pagsusuri sa kaniyang fitness to stand trial.
Narito ang mahahalagang pangyayari na nagdala sa kaso ni Duterte sa kasalukuyang yugto nito.
Nagsimula ang mga alegasyon sa umano’y malawakang pagpatay na iniuugnay sa kampanya kontra ilegal na droga sa Davao City, kung saan nagsilbi si Duterte bilang alkalde, at kalaunan ay sa buong bansa nang mahalal siyang pangulo noong 2016.
Sa ilalim ng kaniyang administrasyon, naging pangunahing polisiya ng pamahalaan ang kampanya kontra droga. Gayunman, umani ito ng matinding batikos mula sa mga lokal at international organizations dahil sa mga ulat ng pagkamatay ng mga suspek sa police operations at iba pang insidente ng umano’y extrajudicial killings.
Ang mga naturang alegasyon ang naging batayan ng mga reklamo na kalauna’y iniharap sa ICC.
Noong 2017, nagsimulang makatanggap ang Office of the Prosecutor (OTP) ng ICC ng mga communication at complaint na humihiling na imbestigahan ang mga umano’y human rights violations sa Pilipinas kaugnay ng kampanya kontra droga.
Kabilang sa mga naghain ng reklamo ang mga indibidwal at grupo na nag-uugnay kay Duterte at sa ilang opisyal ng pamahalaan sa mga insidente ng pagpatay.
Noong Pebrero 8, 2018, inanunsiyo ng noo’y ICC Prosecutor na si Fatou Bensouda ang pagsasagawa ng preliminary examination sa sitwasyon sa Pilipinas. Layunin nitong alamin kung may sapat na batayan upang magbukas ng formal investigation sa mga alegasyong krimen.
Hindi pa ito nangangahulugan na may kasong naisampa o napatunayang nagkasala ang sinumang indibidwal. Isa lamang itong paunang pagsusuri upang matukoy kung saklaw ng jurisdiction ng ICC ang mga alegasyon at kung may sapat na batayan upang magpatuloy sa susunod na proseso.
Samantala, noong Marso 17, 2018, naghain ang Pilipinas ng formal notification of withdrawal mula sa Rome Statute, ang treaty na nagtatag sa ICC.
Naging epektibo ang pag-alis ng bansa makalipas ang isang taon, o noong Marso 17, 2019.
Gayunman, iginiit ng ICC na nananatili ang jurisdiction nito sa mga umano’y krimeng naganap sa Pilipinas habang kasapi pa ang bansa sa Rome Statute, mula Nobyembre 1, 2011 hanggang Marso 16, 2019.
Naging mahalagang usapin ito sa mga sumunod na legal proceedings, lalo na nang kuwestiyunin ng kampo ni Duterte ang kapangyarihan ng ICC na dinggin ang kaso sa kabila ng pag-withdraw ng Pilipinas sa kasunduan.
Noong Mayo 24, 2021, humiling ang Office of the Prosecutor ng ICC ng pahintulot upang simulan ang formal investigation sa mga umano’y krimeng naganap sa Pilipinas kaugnay ng kampanya kontra droga.
Noong Setyembre 15, 2021, pinahintulutan ng Pre-Trial Chamber I ang pagsasagawa ng imbestigasyon.
Nang sumunod na taon, hiniling ng pamahalaan ng Pilipinas na ipagpaliban ang investigation ng ICC. Iginiit nitong may mga isinasagawa namang hakbang ang mga awtoridad sa bansa upang imbestigahan ang mga alegasyon.
Pansamantalang sinuspinde ng ICC ang mga aktibidad nito habang sinusuri ang kahilingan ng Pilipinas. Ngunit noong Enero 2023, pinahintulutan ng Pre-Trial Chamber I ang pagpapatuloy ng investigation.
Umapela ang Pilipinas sa naturang desisyon, subalit noong Hulyo 18, 2023, pinagtibay ng Appeals Chamber ang pahintulot na ipagpatuloy ng ICC Prosecutor ang imbestigasyon sa sitwasyon sa bansa.
Makalipas ang ilang taon ng imbestigasyon, naghain ang Office of the Prosecutor noong Pebrero 10, 2025 ng application for a warrant of arrest laban kay Duterte.
Humiling ang prosecution ng warrant kaugnay ng mga alegasyon ng murder, torture at rape bilang crimes against humanity.
Matapos suriin ang mga isinumiteng materyales, naglabas ang Pre-Trial Chamber I ng warrant of arrest noong Marso 7, 2025. Naging publiko naman ito noong Marso 11 ng kaparehong taon.
Sa naturang warrant, sinabi ng hukuman na may reasonable grounds to believe na may pananagutang kriminal si Duterte bilang indirect co-perpetrator sa krimen laban sa sangkatauhan na murder.
Noong Marso 11, 2025, inaresto si Duterte ng mga awtoridad ng Pilipinas matapos siyang dumating sa Ninoy Aquino International Airport mula sa Hong Kong.
Kinabukasan, Marso 12, isinuko siya sa custody ng ICC sa The Hague, Netherlands.
Isinagawa ang kaniyang initial appearance noong Marso 14, 2025, kung saan ipinaalam sa kaniya ang mga alegasyon at ang kaniyang mga karapatan sa ilalim ng Rome Statute.
Matapos ang mga paunang pagdinig, umusad ang kaso sa confirmation of charges hearing na isinagawa mula Pebrero 23 hanggang 27, 2026.
Sa naturang pagdinig, inilahad ng prosecution ang mga ebidensiya at argumento nito upang patunayan na may sufficient evidence para isailalim sa trial si Duterte. Naglahad din ng argumento ang defense at mga kinatawan ng mga biktima.
Noong Abril 23, 2026, kinumpirma ng Pre-Trial Chamber I ang lahat ng tatlong counts of crimes against humanity laban kay Duterte at ipinasa ang kaso sa Trial Chamber para sa trial.
Kabilang sa tatlong kumpirmadong counts ang mga sumusunod:
Mga pagpatay sa Davao City – may kaugnayan sa mga umano’y pagpatay noong alkalde pa si Duterte, mula 2013 hanggang bandang Hunyo 2016.
Mga pagpatay sa high-value targets – may kaugnayan sa mga umano’y pagpatay sa iba’t ibang lugar sa bansa noong panahon ng kaniyang pagkapangulo, mula bandang Hulyo 2016 hanggang Hulyo 2017.
Mga pagpatay at tangkang pagpatay sa barangay clearance operations – may kaugnayan sa mga umano’y insidente sa iba’t ibang lugar sa bansa mula bandang Hulyo 2016 hanggang Setyembre 2018.
Ayon sa ICC, bahagi ang mga naturang alegasyon ng umano’y widespread and systematic attack laban sa civilian population sa Pilipinas sa pagitan ng Nobyembre 1, 2011 at Marso 16, 2019.
Mahalagang linawin na ang confirmation of charges ay hindi nangangahulugang napatunayan nang nagkasala si Duterte. Nangangahulugan lamang ito na nakita ng Pre-Trial Chamber ang sapat na batayan upang isailalim sa trial ang mga paratang.
Kasabay ng pag-usad ng kaso, naghain din ng ilang pagtutol ang kampo ni Duterte.
Isa sa pangunahing argumento ng kampo ni Duterte ang kawalan umano ng jurisdiction ng ICC sa Pilipinas dahil sa pag-withdraw ng bansa sa Rome Statute noong 2019.
Noong Oktubre 23, 2025, nagpasya ang Pre-Trial Chamber I na maaari pa ring dinggin ng ICC ang mga kasong may kaugnayan sa mga umano’y krimeng naganap habang kasapi pa ang Pilipinas sa Rome Statute.
Umapela ang defense sa naturang desisyon. Ngunit noong Abril 22, 2026, ibinasura ng Appeals Chamber ang apela at pinagtibay ang jurisdiction ng ICC na dinggin ang kaso.
Sa naging pasya ng Appeals Chamber, hindi nawawala ang jurisdiction ng ICC sa mga umano’y krimeng naganap habang kasapi pa ang isang bansa sa Rome Statute dahil lamang sa pag-withdraw nito sa kasunduan.
Bukod sa usapin ng jurisdiction, naging mahalagang bahagi rin ng proseso ang pagsusuri sa kakayahan ni Duterte na lumahok sa trial.
Nagkaroon ng mga pagdinig hinggil sa kaniyang kalagayang pangkaisipan matapos igiit ng defense na nakararanas siya ng cognitive impairment o paghina ng kakayahang pangkaisipan na maaaring makaapekto sa kaniyang pag-unawa at pakikilahok sa mga proceedings.
Noong Setyembre 28, 2026, naglabas ng desisyon ang Trial Chamber III na nagsasabing fit to stand trial si Duterte. Naging publiko ang naturang desisyon noong Oktubre 8.
Ayon sa hukuman, kaya ni Duterte na epektibong gamitin ang kaniyang mga karapatan sa patas na paglilitis. Nagpatupad din ito ng mga hakbang upang mapadali ang kaniyang pakikilahok sa mga pagdinig.
Sa kabila nito, nanatiling bahagi ng mga argumento ng defense ang usapin ng kaniyang cognitive impairment.
Matapos ang mga naturang proseso, itinakda ng Trial Chamber III ang Nobyembre 30, 2026 bilang simula ng trial laban kay Duterte.
Ang Trial Chamber III ay binubuo nina Presiding Judge Joanna Korner, Judge Keebong Paek at Judge Nicolas Guillou.
Batay sa inilabas na abiso ng ICC, magsisimula ang hearing alas-10 ng umaga sa The Hague, Netherlands, o alas-5 ng hapon sa Pilipinas.
Sa unang bahagi ng trial, sisiguruhin muna ng mga hukom na nauunawaan ni Duterte ang mga sakdal laban sa kaniya. Tatanungin din siya kung aamin siya sa mga paratang o maghahain ng plea of not guilty.
Pagkatapos nito, isasagawa ang opening statements ng prosecution at ng mga kinatawan ng mga biktima. Maaari ring maglahad ng pambungad na pahayag ang defense kung nanaisin nito.
Binigyan ang prosecution ng anim na oras upang ilahad ang opening statement nito, habang tatlong oras naman ang inilaan sa mga kinatawan ng mga biktima.
Inaasahan ding magsisimulang tumestigo ang unang witness ng prosecution matapos ang mga pambungad na pahayag.
Sa aktuwal na trial, kailangang ilahad ng prosecution ang mga ebidensiya at testimonya na susuporta sa mga paratang laban kay Duterte.
Magkakaroon naman ng pagkakataon ang defense na kuwestiyunin ang mga ebidensiya, salungatin ang mga testimonya at magharap ng sarili nitong mga argumento at witness.
Maaari ring lumahok sa proseso ang mga kinatawan ng mga biktima sa pamamagitan ng kanilang legal representatives.
Ayon sa ICC, pangunahing tungkulin ng Trial Chamber na tiyaking patas ang trial at nirerespeto ang mga karapatan ng lahat ng partido.
Sa pagtatapos ng trial, maglalabas ng hatol ang mga hukom batay sa mga ebidensiyang inilahad sa korte. Kailangang mapatunayan ng prosecution ang pagkakasala ng akusado beyond reasonable doubt bago ito mahatulan.
Kung hindi mapatunayan ang mga paratang sa kinakailangang antas ng ebidensiya, maaari siyang mapawalang-sala.
Sa ilalim ng Rome Statute, maaaring magpataw ang ICC ng sentensiyang hanggang 30 taong pagkakakulong o, sa mga pambihirang pagkakataon, habambuhay na pagkakakulong. Hindi nagpapataw ng death penalty ang hukuman.
Mula sa mga alegasyon ng human rights violations noong kampanya kontra ilegal na droga, umabot sa international court ang kaso laban kay Duterte matapos ang mahabang proseso ng pagsusuri at imbestigasyon.
Sa Nobyembre 30, magsisimula ang yugto kung saan susuriin ng mga hukom ang mga ebidensiya at testimonya kaugnay ng tatlong counts laban sa dating pangulo.
Gayunman, mananatili ang prinsipyo ng presumption of innocence o pagpapalagay na walang sala ang akusado hangga’t hindi napapatunayan ang kaniyang pagkakasala sa hukuman.
Sa huli, ang magiging desisyon ng ICC ay ibabatay sa mga ebidensiyang ihaharap ng magkabilang panig at sa pagsusuri ng mga hukom alinsunod sa batas.











