Umabot na sa 20 katao ang bilang ng mga nasawi matapos ang pagsabog ng gas na nagdulot ng pagguho ng isang tunnel sa isang hydroelectric project na ginagawa sa estado ng Sikkim sa hilagang-silangang bahagi ng India.
Ayon kay Rajiv Roka, director ng Sikkim State Disaster Management Authority, 25 manggagawa ang na-trap sa loob ng tunnel. Sa bilang na ito, 13 bangkay na ang narekober habang may pito hanggang walong iba pa umanong katawan na namataan ng mga rescuer ngunit hindi pa mailabas.
Nahihirapan ang mga awtoridad sa rescue at retrieval operations dahil sa naipong tubig sa loob ng tunnel at pagtagas ng methane gas mula sa mga batong nasa ilalim ng lupa.
Sinabi ni Roka na batay sa kondisyon sa loob ng tunnel, malabong may natitirang buhay sa mga na-trap.
Ayon naman sa National Hydroelectric Power Corporation (NHPC), ang nangangasiwa sa proyekto, sanhi ng insidente ang umano’y biglaang pagbuga ng methane gas na nakulong sa mga batuhan, na nagdulot ng makapal na usok at nakalalasong gas sa loob ng tunnel.
Nangako ang NHPC na magsasagawa ng masusing imbestigasyon upang matukoy ang eksaktong sanhi ng aksidente.
Lalo pang naging mahirap ang operasyon dahil sa malalakas na pag-ulan dulot ng monsoon na nararanasan sa rehiyon nitong mga nakalipas na araw.











