Dinagsa ng libo-libong manonood ang Linda Mar Beach sa Pacifica, California para sa ika-10 World Dog Surfing Championships kung saan 14 na aso ang nagpakitang-gilas sa pagsakay sa alon.
Sinuri ang mga kalahok batay sa haba ng pagsakay sa alon, balanse, kumpiyansa at mga ipinakitang trick sa surfboard.
Nasungkit ng Labrador retriever na si Rippin Rosie ang kampeonato sa large at extra-large category, pati na rin sa tandem stand-up paddleboarding kasama ang kanyang amo. Nagwagi naman si Iza, isang French bulldog, sa medium category, habang nanguna si Bradley “Shortboard” Cooper sa small dog category.
Dahil sa malalakas na alon, napaikli ang paligsahan at kinansela ang final surf-off round. Sa halip, ginawaran si Rippin Rosie ng “Spirit of Surfing Award” bilang pangkalahatang kampeon ng kompetisyon.





