Mas bumilis ang pagkilos ng Tropical Storm Maymay habang papalapit sa bahagi ng Ilocos Sur at Ilocos Norte, ayon sa pinakahuling ulat ng PAGASA.
Huling namataan ang sentro ng bagyo sa katubigan ng Magsingal, Ilocos Sur taglay ang lakas ng hanging aabot sa 75 kilometro kada oras malapit sa gitna at pagbugsong hanggang 90 kilometro kada oras. Kumikilos ito pa-silangan sa bilis na 20 kilometro kada oras.
Dahil sa banta ng malalakas na hangin, nananatiling nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 2 sa Ilocos Norte, Ilocos Sur, hilaga at gitnang bahagi ng La Union kabilang ang Luna, Caba, Santol, Bauang, City of San Fernando, San Juan, Bagulin, Aringay, Bangar, San Gabriel, Burgos, Naguilian, Bacnotan, Sudipen at Balaoan; hilagang-kanlurang bahagi ng Pangasinan kabilang ang Anda, Bolinao at Bani; kanlurang bahagi ng Apayao kabilang ang Conner, Kabugao at Calanasan; buong Abra; kanlurang bahagi ng Kalinga kabilang ang Pasil, Tinglayan, Balbalan at Lubuagan; kanlurang bahagi ng Mountain Province kabilang ang Besao, Tadian, Bauko, Sagada, Sabangan, Bontoc at Sadanga; hilagang-kanlurang bahagi ng Benguet kabilang ang Mankayan, Kapangan, Kibungan, Sablan, Bakun, La Trinidad, Tublay, Atok at Buguias; at hilagang-kanlurang bahagi ng Cagayan kabilang ang Santa Praxedes at Claveria.
Samantala, nakataas naman ang Signal No. 1 sa natitirang bahagi ng La Union, Pangasinan, Apayao, Kalinga, Mountain Province at Benguet; buong Ifugao; katimugang bahagi ng Babuyan Islands kabilang ang Calayan Island, Dalupiri Island, Fuga Island at Camiguin Island; natitirang bahagi ng mainland Cagayan; buong Isabela, Quirino at Nueva Vizcaya; hilagang bahagi ng Zambales kabilang ang Candelaria, Santa Cruz, Masinloc at Palauig; hilagang bahagi ng Tarlac kabilang ang Mayantoc, San Clemente, Camiling, Santa Ignacia, Gerona, Paniqui, Moncada, San Manuel, Anao, Ramos, Pura at Victoria; hilagang bahagi ng Nueva Ecija kabilang ang Carranglan, Lupao, Cuyapo, Talugtug, Nampicuan, Guimba, Science City of Muñoz, San Jose City, Pantabangan, Bongabon, Rizal, Llanera, Talavera, Santo Domingo, General Mamerto Natividad, Quezon at Licab; at hilaga at gitnang bahagi ng Aurora kabilang ang Dilasag, Casiguran, Dinalungan, Dipaculao, Baler, San Luis at Maria Aurora.
Ayon sa PAGASA, posibleng mag-landfall si Maymay sa paligid ng Ilocos Sur o Ilocos Norte ngayong gabi (Agosto 5) o mamayang madaling araw ng Huwebes. Pagkatapos nito ay tatahakin ng bagyo ang kabundukan ng Hilaga at Gitnang Luzon bago muling lumabas sa silangang baybayin ng Isabela o Cagayan.
Inaasahang mananatili itong isang tropical storm bago mag-landfall ngunit maaari itong humina at maging tropical depression pagsapit ng Huwebes ng umaga at tuluyang maging low pressure area sa hapon o gabi dahil sa epekto ng mabundok na kalupaan na dadaanan nito.
Patuloy namang pinag-iingat ng PAGASA ang publiko dahil maaari pa ring makaranas ng malalakas na pag-ulan at bugso ng hangin maging ang mga lugar na wala sa direktang tatahakin ng bagyo.











