--Ads--

Nananatiling nakaalerto ang Philippine Coast Guard (PCG) sa kabila ng paghina ng dating Bagyong Maymay bilang isang low pressure area (LPA), habang patuloy na binabantayan ang epekto ng Habagat na pinalalakas ng Bagyong Dolphin sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Bilang bahagi ng kanilang paghahanda, nagsagawa ng iba’t ibang hakbang ang Philippine Coast Guard (PCG) District North Eastern Luzon upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente sa mga lugar na maaaring maapektuhan ng masamang panahon.

Sa Isabela, nagbigay ng manpower assistance ang mga tauhan ng Coast Guard Sub-Station (CGSS) Palanan at CGSS Divilacan sa paglalagay ng mga motor banca sa ligtas na lugar upang maiwasan ang pinsala dulot ng malalakas na hangin at alon.

Samantala, nagsagawa naman ng weather at sea condition monitoring ang CGSS Buguey sa Barangay Minanga Weste, Buguey, Cagayan. Nagpalaganap din ang mga tauhan ng safety advisories sa mga mangingisda at pinaalalahanan silang manatiling alerto, subaybayan ang mga opisyal na abiso ng panahon, at huwag pumalaot kapag mapanganib ang kondisyon ng dagat.

--Ads--

Ayon sa Coast Guard District North Eastern Luzon, nananatili silang naka-heightened alert at patuloy na nakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan habang mahigpit na mino-monitor ang sitwasyon upang matiyak ang kaligtasan ng publiko.