Plano ng Pilipinas na umutang ng mahigit dalawang bilyong dolyar o katumbas ng ₱127 billion mula sa Estados Unidos para pondohan ang pagbili ng mga kagamitang pangdepensa at seguridad mula sa mga American suppliers.
Bukod sa naturang pautang, magbibigay din ang US ng 400 million dollars o humigit-kumulang ₱25 billion na military financing upang mapalakas ang kakayahan ng Pilipinas na magpatupad ng deterrence operations sa South China Sea.
Batay sa inilabas na impormasyon ng White House nitong Huwebes, Nobyembre 19, kabilang sa mga planong bilhin ang long-range weapons, command and control systems, mahahalagang imprastraktura at drones.
Inihayag din ang dalawang kasunduan sa pagitan ng Department of National Defense at mga kompanyang Amerikano para sa paggamit ng artificial intelligence sa mga operasyong militar at pagpapaunlad ng defense facilities.
Kasunod ito ng dalawang araw na pagbisita ni US President Donald Trump sa Maynila, kung saan tinalakay nila ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagpapalawak ng kooperasyon sa depensa at ekonomiya.
Samantala, muling pinagtibay ng dalawang bansa ang kanilang ugnayan sa ilalim ng Mutual Defense Treaty, na sumasaklaw sa mga armadong pag-atake laban sa kanilang sandatahang lakas, kabilang ang mga barko ng Coast Guard sa South China Sea.











