Inaasahang nasa 100 kabataan ang makikilahok sa Fire Square Roadshow na isasagawa sa Agosto 25 at 26, kung saan ituturo ang Cardiopulmonary Resuscitation (CPR) at iba pang mahahalagang kasanayan sa pagsagip ng buhay.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Fire Chief Inspector Jay-r Guillano, City Fire Marshal ng Bureau of Fire Protection (BFP)-Santiago, sinabi nitong layunin ng programa na mabigyan ng sapat na kaalaman at praktikal na pagsasanay ang mga kabataan, partikular ang mga mag-aaral sa elementarya, upang maging handa sa mga emerhensiya at sakuna.
Ayon kay Guillano, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng kanilang tanggapan sa mga paaralan upang mahikayat ang mas maraming kabataan na lumahok at magkaroon ng kakayahang tumugon sa mga sitwasyong nangangailangan ng agarang aksyon.
Nakikipag-ugnayan din ang BFP-Santiago sa City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) ng Santiago City upang matiyak ang maayos na pagsasagawa ng aktibidad at ang kaligtasan ng mga kalahok.
Binigyang-diin ni Guillano na mahalagang maagang matutunan ng mga kabataan ang CPR at iba pang lifesaving skills dahil maaari nila itong magamit sa oras ng sakuna, aksidente, o iba pang emergency, kabilang ang mga insidenteng may kaugnayan sa pagbaha at matinding panahon.
Sa kasalukuyan, nagpapatuloy ang pagpaparehistro sa mga paaralang elementarya, habang bukas din ang programa para sa mga walk-in participant na nais sumali.











