Nakaalerto na ang lokal na pamahalaan at kapulisan ng Angadanan, Isabela para sa Undas 2026, kung saan nakahanda na ang mga tauhan at sasakyang pangresponde upang matiyak ang kaligtasan ng mga bibisita sa mga sementeryo.
Naka-red alert status na ang Angadanan Police Station at nagtalaga ng mga tauhan sa anim na sementeryo at iba pang matataong lugar sa bayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLT. Elizabeth Diaz, Deputy Chief of Police ng Angadanan Police Station, kabilang sa binabantayang sementeryo ang Calaccab, Calabayan-Minanga, Viga, Bunnay, Lasuerte at Rang-ayan. Apat na pulis ang nakatalaga sa bawat sementeryo, katuwang ang BFP, MDRRMO, barangay tanod at iba pang lokal na awtoridad.
Bukod dito, may mga police assistance desk rin sa mga terminal at iba pang pangunahing lugar upang matulungan ang mga mamamayang mangangailangan ng tulong.
Pinaalalahanan naman ni PLT. Diaz ang publiko na bantayan ang kanilang mga personal na gamit at mga bata, sumunod sa mga awtoridad at tiyaking maayos ang pagpaparada ng mga sasakyan upang hindi makasagabal sa trapiko.
Pinapayagan ang pagdadala ng pagkain at mga kagamitang may talim na kailangan sa paglilinis ng puntod, depende sa sitwasyon. Gayunman, ipinagbabawal ang pagdadala ng mga nakamamatay na armas pagsapit ng dilim.
Samantala, sinabi ni Joel Matias, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Officer (MDRRMO), na katuwang ng kanilang ahensiya at Rescue 115 sa paghahanda ang Rural Health Unit, Angadanan Integrated Community Hospital, PNP at BFP.
May nakahanda na ring deployment plan para sa mga pangunahing sementeryo, habang pinag-aaralan ang pagdaragdag ng mga tauhan ng Rescue 115 sa Calabayan-Minanga Cemetery.
Mananatiling naka-duty ang Rescue 115 mula ngayong araw, Oktubre 30 hanggang Nobyembre 3 upang matiyak ang agarang pagresponde sa mga aksidente at biglaang pagkakasakit. Mayroon itong apat na ambulansya at dalawang rescue pick-up, habang nakahanda rin ang tatlong ambulansya at isang rescue pick-up ng RHU.
Pinayuhan din ni Matias ang publiko na magdala ng payong, sapat na tubig, pagkain at mga kinakailangang gamot, lalo na ang mga may iniindang karamdaman, upang maiwasan ang anumang komplikasyon habang dumadalaw sa mga sementeryo.
Umaasa naman ang mga opisyal na magiging mapayapa ang paggunita ng Undas ngayong taon, kasunod ng kawalan ng naitalang malubhang insidente sa mga nakaraang pagdiriwang, sa tulong ng disiplina at pakikiisa ng publiko.











