--Ads--

Hiniling ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa pamahalaan ng China na tiyaking napapangalagaan ang kapakanan at mga karapatan ng mahigit 100 Pilipinong naaresto dahil umano sa paglabag sa immigration regulations ng bansa.

Kinumpirma ng DFA ang malawakang operasyon matapos ihayag ng Chinese Foreign Ministry na mahigit 100 Pilipino ang kanilang inaresto dahil sa hinalang ilegal na pagtatrabaho o pananatili sa China.

Ayon sa DFA, kinikilala ng Pilipinas ang karapatan ng China na ipatupad ang mga batas nito sa imigrasyon, basta’t naaayon ito sa due process at umiiral na mga legal na pamamaraan.

Gayunman, nanawagan ang ahensya sa mga awtoridad ng China na tiyakin ang maayos na kalagayan ng mga nakakulong na Pilipino at agad na ipagbigay-alam sa mga kinatawan ng Philippine Foreign Service ang kanilang pagkakadetine.

--Ads--

Binigyang-diin ng DFA na ang kahilingang ito ay nakabatay sa Vienna Convention on Consular Relations at sa Philippines-China Consular Agreement na nilagdaan noong 2013.

Nakikipag-ugnayan na rin ang DFA sa Philippine Embassy sa Beijing at sa mga Philippine Consulate-General sa China upang matukoy ang eksaktong bilang ng mga inarestong Pilipino at malinawan ang mga dahilan ng kanilang pagkakakulong.

Kasabay nito, sinusuri ng ahensya kung nasunod ng mga awtoridad ang lahat ng legal at consular procedures sa isinagawang pag-aresto.

Samantala, kinondena ni Defense Secretary Gilbert Teodoro ang naturang hakbang ng China at inilarawan ito bilang isang anyo ng “blackmail.”

Ayon kay Teodoro, hindi katanggap-tanggap ang umano’y paggamit sa mga Pilipino bilang paraan upang maimpluwensiyahan o makialam sa pagpapatupad ng batas ng Pilipinas.