Nasugatan ang dalawang katao matapos mahulog sa palayan at tumagilid ang isang van sa Barangay Malapat, Cordon, Isabela.
Sa inisyal na impormasyong nakuha ng Bombo Radyo Cauayan mula sa Cordon Police Station, napag-alaman na ang van ay galing sa Benguet at may kargang mga kahon ng bulaklak nang maganap ang insidente.
Nang makarating sa Barangay Malapat, nakasabayan umano ng van sa kalsada ang isang L300 van na mabilis ang takbo.
Bigla umanong nag-cut o nag-overtake ang L300 sa van na naging dahilan upang mawalan ng kontrol sa manibela ang driver na bumangga sa concrete barrier sa gilid ng kalsada bago tuluyang nahulog sa palayan at tumagilid.
Dahil sa lakas ng impact, nagtamo ng matinding pinsala at nayupi ang van.
Matapos ang aksidente, agad na nagtulong-tulong ang mga concerned citizen upang maitayo ang van at mailabas ang dalawang sakay nito.
Sa ngayon, nasa mabuting kalagayan naman ang driver at pahinante ng naaksidenteng van habang patuloy pang sinisiyasat ng pulisya ang insidente.











