Limang indibidwal ang nasugatan matapos araruhin ng isang motorcycle rider na kalahok sa San Agustin Eco-Tourism Ride ang ilang bystanders sa bahagi ng pakurbadang kalsada sa Barangay Masaya Norte, San Agustin, Isabela, pasado alas-10 ng gabi nitong Oktubre 3, 2026.
Batay sa paunang imbestigasyon ng San Agustin Police Station, minamaneho ng hindi pa pinangalanang lalaki ang isang Black Yamaha Bigbike habang bumibiyahe patungong Jones, Isabela nang mawalan umano ito ng kontrol sa manibela sa bahagi ng pakurbadang kalsada.
Kabilang sa mga nasugatan ang mga nasa hustong gulang na sina Krisha Miguel, Jenny May Matias at Allan Patrimonio, pawang residente ng Diffun, Quirino, gayundin ang dalawang menor de edad na residente ng San Agustin.
Nasugatan din ang motorcycle rider at isinugod sa Southern Isabela Medical Center sa Santiago City para sa kaukulang lunas.
Samantala, dinala naman ng mga rumespondeng tauhan ng BFP at MDRRMO ang mga bystanders sa Prospero G. Bello Integrated Hospital sa Jones, Isabela.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya ang insidente upang matukoy ang buong detalye at sanhi ng aksidente.











