Nagsagawa ang LGU Tumauini at Tumauini Community Hospital (TCH) ng imbestigasyon kaugnay ng kumalat na social media post tungkol sa isang insidente sa ospital noong Hulyo 19, 2026. Dinaluhan ito ni Mayor Venus T. Bautista, mga opisyal at kawani ng TCH, gayundin ng nag-upload ng post at kanyang pamilya.
Ayon sa TCH, isinagawa ang imbestigasyon upang mabigyang-linaw ang mga alegasyon kaugnay ng umano’y pagpapabayad sa diesel ng ambulansiya at pagpapabaya sa isang pasyente.
Sa resulta ng imbestigasyon, itinanggi ng ospital na dalawang linggo nang walang diesel ang ambulansya. Ipinaliwanag ng TCH na regular itong kumukuha ng krudo mula sa gasoline station ng LGU at nagkataon lamang na kinailangan ng dagdag na diesel matapos ang sunod-sunod na biyahe noong araw na iyon.
Nilinaw rin ng ospital na hindi tumanggi ang driver na ihatid ang pasyente sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC). Sa halip, nagmungkahi lamang ito ng paraan upang maipagpatuloy ang biyahe habang sarado ang gasoline station ng LGU.
Pinabulaanan din ng TCH ang alegasyong walang tumulong na nurse sa pasyente. Ayon sa ospital, may mga naka-duty na medical staff at may nurse na lumapit upang alamin ang kalagayan ng pasyente at hikayatin itong ipasok sa ospital para mabigyan ng agarang atensiyon.
Binigyang-diin din ng TCH na ilang beses nang nabigyan ng libreng serbisyong medikal at transportasyon ng ambulansiya ang pasyente sa mga nakalipas na taon.
Mariing itinanggi ng ospital na ang insidente ang naging dahilan ng pagkamatay ng pasyente. Ayon sa TCH, naihatid nila ito sa CVMC habang buhay pa at agad na nabigyan ng medikal na atensiyon.
Samantala, sinikap ng Bombo Radyo Cauayan na kunan ng panayam si Mayor Venus Bautista kaugnay ng resulta ng imbestigasyon at sa mga isyung ibinabato laban sa ospital. Gayunman, hindi na ito nagbigay ng tape interview at ipinaabot na lamang na mayroon nang inilabas na opisyal na pahayag ang LGU Tumauini na naglalaman ng kanilang panig at mga paglilinaw hinggil sa naturang usapin.











