--Ads--

Naaresto ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 2 ang isang 32-anyos na registered nurse sa isinagawang buy-bust operation sa Cagayan Valley Medical Center, Barangay Carig Sur, Tuguegarao City, Cagayan nitong Hunyo 17, 2026, bandang alas-2:50 ng hapon.

Itinago ang suspek sa alyas na “Eloy,” residente ng Abulug, Cagayan. Nakumpiska mula sa kanya ang tatlong heat-sealed sachet ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na limang gramo at tinatayang nagkakahalaga ng ₱34,000. Narekober din ang isang transparent glass pipe, buy-bust money, at isang cellphone.

Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng Article II ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Samantala, naglabas ng opisyal na pahayag ang Cagayan Valley Medical Center (CVMC) kaugnay ng insidente. Nilinaw ng pamunuan na ang pagkakaaresto sa kanilang empleyado ay isang “isolated case” at hindi sumasalamin sa mga pamantayan at integridad ng institusyon. Dagdag pa ng CVMC, paiigtingin nila ang pagpapatupad ng kanilang zero tolerance policy laban sa paggamit at pagbebenta ng ilegal na droga upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasyente at kawani.

--Ads--

Nananatiling bukas ang ospital sa pakikipagtulungan sa mga awtoridad para sa masusing imbestigasyon at tiniyak na patuloy na maayos at ligtas ang kanilang operasyon at serbisyo sa publiko.