--Ads--

Isinusulong sa Kamara ang panukalang batas na magtataas sa sahod ng mga special needs education o SNed teachers upang matugunan ang kakulangan ng mga guro para sa mga mag-aaral na may kapansanan.

Sa ilalim ng House Bill 5574 ni Parañaque 2nd District Representative Brian Yamsuan, itataas mula Salary Grade 14 tungo sa Salary Grade 16 ang minimum salary grade ng SNed teachers sa mga pampublikong paaralan.

Katumbas ito ng basic pay na nasa ₱45,694 kada buwan ngayong taon at aabot sa ₱47,829 pagsapit ng 2027.

Ayon kay Yamsuan, mahalagang madagdagan ang bilang ng SNed teachers upang matiyak ang pantay na oportunidad sa edukasyon para sa mga learners with disabilities.

--Ads--

Batay sa datos, nasa 391,089 learners with disabilities ang naka-enroll sa mga pampublikong paaralan noong school year 2024–2025, ngunit wala pang 6,000 SNed teachers ang nagsisilbi sa kanila.

Samantala, may humigit-kumulang 600 bagong SNed teaching positions na nilikha ng Department of Education ngayong taon, ngunit hindi pa napupunan habang hinihintay ang bagong qualification standards mula sa Civil Service Commission.

Nanawagan si Yamsuan sa CSC na pabilisin ang proseso at sa Kongreso na ipasa ang panukalang dagdag-sahod upang makahikayat at mapanatili ang mas maraming kwalipikadong SNed teachers sa mga pampublikong paaralan.