Humina ang piso laban sa dolyar sa pagtatapos ng trading nitong Biyernes, kasabay ng patuloy na pagbaba ng Philippine Stock Exchange index (PSEi) na nagtala ng pinakamababang closing level sa loob ng mahigit anim na taon.
Bumagsak ng 14.5 centavos ang halaga ng piso at nagsara sa ₱63.81 kada dolyar, kumpara sa ₱63.67 noong Huwebes.
Ayon kay Rizal Commercial Banking Corporation Chief Economist Michael Ricafort, isa sa mga nakaapekto sa halaga ng piso ang paghina ng PSEi na bumaba ng 170.93 points o 3.1 percent, sa 5,306.98 points.
Ito na ang pinakamababang closing level ng stock market sa loob ng mahigit anim at kalahating taon, kasunod ng malawakang pagbebenta ng mga pangunahing stock na nagdulot ng pangamba at paghina ng kumpiyansa ng mga investors.
Nagdagdag din sa pressure sa piso ang paglakas ng US dollar laban sa iba pang pangunahing currencies sa mundo, kasunod ng mga pahayag ng ilang opisyal ng US Federal Reserve na nagpapahiwatig na posibleng manatiling mahigpit ang kanilang monetary policy.





