Iginiit ng Malacañang na hindi kailanman naging programa ng administrasyong Marcos ang sinasabing “leadership fund” para sa mga senador na inilahad ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, hindi kailanman nabanggit kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang naturang pondo at maging ang economic team ng pamahalaan ay itinangging may ganitong programa.
Sinabi ni Castro na kung mayroon mang naging pag-uusap ukol dito sa loob ng DPWH, hindi ito bahagi ng anumang programa ng Pangulo at wala rin itong nakasaad sa General Appropriations Act (GAA).
Nauna nang sinabi ni Bonoan na umano’y may inilalaang “leadership fund” ang DPWH para sa mga senador na nagrerekomenda ng mga proyekto. Ayon sa kanya, umaabot umano sa P500 milyon ang alokasyon ng bawat senador habang P1 bilyon naman para sa mga may hawak na committee chairmanship.
Gayunman, ilang senador na ang nagpabulaan sa naturang alegasyon.
Nilinaw rin ng Malacañang na walang kaalaman si Pangulong Marcos sa sinasabing pondo at maging si kasalukuyang DPWH Secretary Vince Dizon ay wala ring impormasyon tungkol dito.
Samantala, sinabi ni Castro na wala pang usapin kung gagawing state witness si Bonoan at nakasalalay ito sa magiging pasya ng korte, prosekusyon, Ombudsman at mga state prosecutor.











