Pormal na sinalubong nina Chinese President Xi Jinping at First Lady Peng Liyuan sina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at First Lady Liza Araneta-Marcos sa Shenzhen, China nitong Miyerkules ng gabi, kaugnay ng pagdalo ng Pangulo sa 33rd APEC Economic Leaders’ Meeting.
Kasunod nito, nakibahagi ang mag-asawang Marcos sa gala dinner at cultural presentation kasama ang iba pang mga lider ng APEC at kanilang mga asawa. Layunin ng pagtitipon na ipakita ang mayamang kultura at tradisyon ng China, gayundin ang palakasin ang pagkakaibigan at pagkakaisa ng mga dumalong lider.
Ayon sa Presidential Communications Office, dumating sa Shenzhen ang Pangulo at ang kaniyang delegasyon dakong alas-5:30 ng hapon, oras sa China.
Nakatakda namang magsagawa si Marcos ng bilateral meetings ngayong Huwebes kasama sina Chilean President Jose Antonio Kast, Peruvian President Keiko Fujimori, at Papua New Guinea Prime Minister James Marape.
Ang pagdalo ng Pangulo sa APEC meeting ay kasunod ng pagho-host ng Pilipinas sa 49th ASEAN Summit and Related Summits noong Nobyembre 15 hanggang 17.
Gaganapin ang 33rd APEC Economic Leaders’ Meeting mula Nobyembre 18 hanggang 19, na may temang “Building an Asia-Pacific Community to Prosper Together.”









