Timbog ang isang 30-anyos na lalaki na itinuturing na Street-Level Individual (SLI) matapos maaktuhan umano sa pagbebenta ng hinihinalang shabu sa isinagawang buy-bust operation sa Lungsod ng Ilagan, Isabela.
Sa ulat ng Isabela Police Provincial Office, kinilala ang suspek sa alyas na “Toto,” binata, walang trabaho at residente ng Purok 4, Barangay Lullutan, City of Ilagan.
Naganap ang operasyon alas-9:04 ng umaga nitong Agosto 17, 2026 sa naturang barangay sa pangunguna ng City Drug Enforcement Unit ng Ilagan Component City Police Station.
Ayon sa pulisya, naaresto ang suspek matapos nitong umano’y magbenta sa isang poseur-buyer ng isang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may tinatayang bigat na 0.5 gramo at Standard Drug Price na P3,400.
Bukod sa hinihinalang iligal na droga, nakumpiska rin mula sa suspek ang buy-bust money, P974 na personal na pera at isang red at black na motorsiklo.
Dinala ang suspek at mga nakumpiskang ebidensya sa himpilan ng pulisya para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon habang nahaharap siya sa kasong paglabag sa Section 5, Article II ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ayon kay Isabela PPO Provincial Director PCOL Manuel B. Bringas, magpapatuloy ang pinaigting na kampanya ng kapulisan laban sa ilegal na droga upang mapanatili ang kaligtasan at kapayapaan sa mga komunidad.
Hinimok din niya ang publiko na makipagtulungan sa mga awtoridad at agad na iulat ang anumang kahina-hinalang aktibidad upang mas epektibong masugpo ang ilegal na droga at iba pang krimen sa lalawigan.











