Arestado ang isang lalaki sa isinagawang operasyon ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Department of Energy (DOE) sa Barangay Rogus, Cauayan City, Isabela, dahil sa umano’y ilegal na pagbebenta at pangangalakal ng produktong petrolyo.
Ayon sa CIDG, isinagawa ang operasyon noong Oktubre 23, 2026, dakong alas-11:02 ng umaga.
Naaktuhang nagbebenta ng gasolina ang suspek nang walang kinakailangang Certificate of Compliance (COC), permit at awtorisasyon mula sa DOE.
Nasamsam sa operasyon ang isang gasoline pump machine na may tatlong outlet at may lamang kabuuang 740 litro ng gasolina na tinatayang nagkakahalaga ng P715,640.
Nahaharap ang suspek sa paglabag sa Batas Pambansa Blg. 33, na inamyendahan ng Presidential Decree No. 1865, na nagbabawal sa ilegal na pangangalakal ng mga produktong petrolyo.
Binigyang-diin ng CIDG na ang pagbebenta ng petrolyo nang walang kaukulang permit at sertipikasyon ay nagdudulot ng panganib sa kaligtasan ng publiko, kapakanan ng mga mamimili, at lokal na ekonomiya.
Muling hinimok ng CIDG ang publiko na iulat ang anumang kahina-hinala o ilegal na pagbebenta, pagtatago ng suplay, at pagsasamantala sa presyo ng mga produktong petrolyo sa kanilang mga komunidad.











