Sinita at ipinasara ng Bureau of Internal Revenue o BIR ang dispensing pumps ng 25 sa 65 gasolinahan sa Luzon matapos mabigong pumasa sa fuel marking testing sa unang tatlong araw ng kanilang malawakang operasyon.
Ayon kay BIR Commissioner Charlito Martin Mendoza, layunin ng operasyon na matukoy ang posibleng pagtagas sa koleksyon ng buwis at maprotektahan ang mga lehitimong negosyo laban sa hindi patas na kompetisyon sa industriya ng petrolyo.
Nagsimula ang operasyon noong Agosto 17, 2026, katuwang ang Bureau of Customs at awtorisadong service provider na nagsusuri sa mga sample ng gasolina, diesel at iba pang produktong petrolyo.
Isinailalim sa imbentaryo at selyo ang mga apektadong produkto habang hinihintay ang resulta ng confirmatory testing.
Kapag napatunayang lumabag sa batas, papatawan ang mga establisimyento ng kaukulang buwis, multa at iba pang legal na parusa.
Ayon sa BIR, hindi lamang ito isang beses na operasyon at planong palawakin ang fuel marking campaign sa iba pang rehiyon sa bansa.











