--Ads--

Pumanaw na si King Harald V ng Norway sa edad na 89 matapos maospital dahil sa mga komplikasyon sa kanyang kalusugan.

Kinumpirma ng Royal Palace of Norway na pumanaw ang hari nang mapayapa sa Oslo University Hospital alas-6:35 ng umaga nitong Biyernes, Agosto 28.

Naospital si Harald noong Agosto 17 dahil sa hemolytic anemia, isang kondisyon kung saan mabilis na nasisira ang mga red blood cell na maaaring magdulot ng matinding pagkapagod at hirap sa paghinga.

Bago ang kanyang pagpanaw, sinabi ng palasyo na naging “extremely serious” ang kondisyon ng hari. Dumalaw sa kanya ang mga miyembro ng royal family, habang nagtipon naman ang mga mamamayan sa labas ng palasyo upang mag-alay ng mga bulaklak.

--Ads--

Mahigit 35 taon nang nasa trono si Harald matapos siyang maging hari noong Enero 1991 kasunod ng pagpanaw ng kanyang ama na si King Olav V.

Siya ang unang haring isinilang sa Norway matapos ang ilang siglo. Noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, lumikas siya kasama ang kanyang ina at mga kapatid patungong Sweden at kalaunan sa Estados Unidos matapos sakupin ng Nazi Germany ang Norway.

Sa mga nakalipas na taon, nakaranas si Harald ng ilang problema sa kalusugan at nilagyan din ng pacemaker. Sa kabila nito, ilang beses niyang sinabi na wala siyang planong bumaba sa trono, dahil nangako siyang maglilingkod habambuhay sa ilalim ng panunumpa niya sa Norwegian Parliament.

Awtomatikong humalili sa trono ang kanyang anak na si Crown Prince Haakon, na inaasahang maghahari bilang King Haakon VIII.