Sinampahan ng Office of the Ombudsman ng kasong malversation at graft sa Sandiganbayan si dating Ako Bicol party-list Representative Elizaldy “Zaldy” Co at ilang opisyal ng Department of Public Works and Highways o DPWH kaugnay ng umano’y P77-milyong ghost flood control project sa Balagtas, Bulacan.
Natukoy ng Ombudsman ang probable cause para kasuhan si Co, walong opisyal ng DPWH at dalawa niyang staff na sina John Paul Estrada at Mark Tecsay dahil sa umano’y malversation ng pondo ng bayan sa pamamagitan ng falsification of public documents, gayundin sa paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Batay sa mga rekord, idineklarang 100-percent complete noong Mayo 2, 2025 ang riverbank protection structure sa kahabaan ng Balagtas River sa Purok 4, Barangay San Juan.
Gayunman, nang magsagawa ng kasunod na inspeksyon, natuklasang wala o hindi naman umiiral ang naturang proyekto.
Ayon sa Ombudsman, nakitaan din ng iregularidad ang paulit-ulit na pag-apruba sa mga bayad sa proyekto, sa kabila ng mga problema sa Monthly Certificates of Payment at Statements of Work Accomplished.
Sinabi ng mga imbestigador na nagpapakita umano ito ng partisipasyon ng mga respondent sa naturang scheme.
Natukoy rin ng Ombudsman ang umano’y implied conspiracy, kung saan sinasabing ang mga kickback na kinokolekta umano ni DPWH official Henry Alcantara mula sa mga contractor ay ibinibigay nang maaga kay Co kapalit ng pagkakasama ng mga proyekto sa National Expenditure Program at pagpopondo sa ilalim ng General Appropriations Act.
Hindi isinama si Alcantara sa isinampang kaso matapos siyang ma-admit sa Witness Protection Program.
Samantala, ang perjury charge laban sa contractor na si Sally N. Santos ay ibinalik sa Department of Justice para sa kaukulang disposisyon.
Ayon sa Ombudsman, kapwa na-admit sa Witness Protection Program sina Alcantara at Santos sa panahon ng preliminary investigation ng DOJ, kung saan bibigyan sila ng immunity at gagamitin ang kanilang mga testimonya sa mga paglilitis.
Samantala, ibinasura naman ng Ombudsman dahil sa kawalan ng probable cause ang hiwalay na reklamo sa ilalim ng Section 3(b) ng Republic Act 3019 laban kina Co, Alcantara, Estrada at Tecsay.
Ang nasabing probisyon ay nagbabawal sa mga opisyal ng gobyerno na tumanggap ng anumang benepisyo o magkaroon ng ipinagbabawal na interes sa mga transaksiyon ng pamahalaan.











