Mariing kokontrahin ng Office of the Ombudsman ang anumang hakbang na magbibigay-daan upang makapagpiyansa si dating House Speaker Martin Romualdez na nahaharap sa kasong plunder.
Ayon kay Ombudsman Jesus Crispin Remulla, may ilang grupong nagpapakalat umano ng impormasyon upang ihanda ang publiko sa posibilidad na makalaya sa pamamagitan ng piyansa ang dating kongresista.
Sinabi ni Remulla na tututulan ng kanilang tanggapan ang anumang mosyon na maglalayong makapagpiyansa si Romualdez.
Inakusahan din niya ang ilang grupo ng pagtatangkang pahinain ang kaso ng Ombudsman, kabilang ang paggamit umano sa mga blogger upang siraan ang mga hakbang ng ahensya.
Samantala, ibinunyag ni Remulla na may isang indibidwal umanong nagpanggap na si Sandiganbayan Justice Karl Miranda upang makakuha ng impormasyon tungkol sa kinaroroonan ni Felicito Guevarra.
Si Guevarra ay nagtatrabaho sa Samchan Foreign Exchange Corp. at nagsisilbing testigo sa kasong plunder laban kay Romualdez.











