Tila tuluyan nang magtatapos ang pagganap ni Gal Gadot bilang si Diana Prince o Wonder Woman sa DC Universe.
Ayon sa ulat ng ScreenRant, sinabi ni Gadot na wala siyang naging partikular na pag-uusap sa DC Studios co-CEO na si James Gunn kaugnay ng posibleng pagbabalik niya bilang Wonder Woman o pagganap sa ibang karakter sa rebooted DC Universe.
Ang huli umanong naging pakikipag-ugnayan ng aktres sa DC Studios ay noong pinag-uusapan pa ang ikatlong pelikula ng Wonder Woman, na hanggang ngayon ay wala pang malinaw na pag-usad.
Sa kabila nito, nagpahayag si Gadot ng suporta para sa sinumang mapipiling gumanap bilang susunod na Wonder Woman.
Ayon sa aktres, isa itong napakahalagang karakter na minamahal ng maraming tao kaya hangad niya na maranasan ng susunod na gaganap ang parehong kasiyahan at karangalan sa pagbibigay-buhay sa nasabing papel.
Nagpasalamat din si Gadot sa pagkakataong maisuot ang kasuotan ni Wonder Woman at maipakita ang mga pagpapahalagang kinakatawan ng karakter.
Unang ginampanan ni Gadot ang papel na Wonder Woman sa pelikulang Batman v Superman: Dawn of Justice noong 2016. Nasundan ito ng dalawang Wonder Woman films, gayundin ng kanyang paglabas sa Justice League, Zack Snyder’s Justice League, Shazam! Fury of the Gods, at The Flash.






